ni Guiller Luna
Natuklap ang dingding ng kwarto ko nung isang gabi.
Kasabay niya akong nahubdan:
Ikinatok ko sa kanyang dibdib
ang pagtibok ng aking puso.
(Isinumbong niya sa akin
na wala ang tao sa kabilang kwarto.)
Sa dilim, ipininta ko, gamit ang daliri at pawis,
sa lawak ng kanyang saklaw
ang mga panaginip ko gabi-gabi—
inihuhulog niya ang bituin mula sa pagkakadikit sa kisame,
iniluluha niya ang nababakbak niyang pintura.
Ibinulong ko sa ikinutkot kong butas sa dingding
ang mga sugat kong nagnaknak.
Pinatatahan ako ng tahimik niyang pakikinig.
Paminsan-minsan,
sa mga gabing hindi ako pinatutulog ng alinsangan,
hahawiin ko ang agiw na bumabalabal sa kanya.
Sabay kaming napapanatag sa pagdalaw ng tag-ulan.
Natikman na niya ang pait ng aking kamao.
Madalas niyang patuyuin ang maalat kong luha.
Sa tuwinang nangungulila,
nilalapat ko ang aking pisngi
sa hapo at manhid niyang balikat.
Ngayong gabi, malamig ang pader.








Aynako..sayang, kasi nahuli ako ng dating eh...sayang talaga! Tsk tsk tsk
--
There's no limit to the incredible range of human emotions.
Previous Page123Next Page